Isinagawa ng Department of Education-Iriga ang pagsusuri sa naging takbo ng pagbubukas ng klase noong Hunyo 8 kasabay ng paghahanda para sa malawakang earthquake drills sa buong dibisyon bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan sa sakuna ng mga paaralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Noel C. Panga, Principal/Division Information Officer, DepEd-Iriga, sinabi nito na patuloy na mino-monitor ng DepEd-Iriga ang sitwasyon sa mga paaralan upang matiyak ang maayos at ligtas na pagpasok ng mga mag-aaral at guro sa pagsisimula ng School Year 2026-2027.

Ayon kay Panga, kabilang sa mga sinusuri ng dibisyon ang attendance ng mga mag-aaral, kahandaan ng mga pasilidad, distribusyon ng mga learning materials, at iba pang mahahalagang aspeto ng pagbubukas ng klase.

Kasabay nito, inanunsyo rin ng DepEd-Iriga ang pagsasagawa ng Division-Wide Earthquake Drills sa mga darating na linggo bilang bahagi ng Disaster Preparedness Program ng ahensya. Layunin nitong sanayin ang mga estudyante, guro, at school personnel sa tamang pagtugon sakaling magkaroon ng lindol o iba pang emergency situation.

Advertisement

Binigyang-diin ni Panga ang kahalagahan ng regular na earthquake drills, lalo na sa harap ng mga kamakailang pagyanig na naranasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Aniya, mahalagang maging pamilyar ang bawat mag-aaral at kawani ng paaralan sa mga evacuation procedures, emergency exits, at mga safety protocol upang mabawasan ang panganib at maprotektahan ang buhay sa oras ng sakuna.

Patuloy namang hinihikayat ng DepEd-Iriga ang pakikiisa ng mga magulang, lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholders upang matiyak ang ligtas at matagumpay na implementasyon ng mga programa para sa kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.

Advertisement