Pinaigting na ng militar ang seguridad sa bayan ng Aleosan, North Cotabato kasunod ng napaulat na armadong sagupaan sa pagitan ng dalawang magkakaibang pangkat ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon sa ulat, nagpakalat ng karagdagang puwersa ang Army’s 33rd Infantry “Makabayan” Battalion partikular sa Sitio Tubak, Barangay Pagangan upang masiguro ang kaayusan at kapayapaan sa komunidad.
Naging mabilis ang hakbang ng mga awtoridad matapos magsimulang mangamba ang mga residente dahil sa naganap na labanan, na nagdulot ng matinding takot at nagtulak sa ilang pamilya na pansamantalang lumikas mula sa kani-kanilang mga tahanan para sa kanilang kaligtasan.
Paliwanag ng militar, pangunahing layunin ng kanilang presensya sa lugar ang mapigilan ang muling pagsiklab ng karahasan at pigilan ang paglawak ng tensyon patungo sa mga karatig na barangay.
Samantala, nagsagawa na rin ng site inspection ang mga kinatawan ng pulisya sa naturang lugar upang personal na masuri ang sitwasyon at matiyak ang kapakanan ng mga mamamayan habang patuloy na binabantayan ang seguridad ng buong komunidad.








