Isinusulong ang pagbabalik sa dating pangalan ng Naga City People’s Mall upang maibalik ang historikal na kahalagahan nito bilang sentro ng komersyo at kabuhayan sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nephtali R. Pabines, Market Supervisor IV ng Naga City People’s Mall, ipinaliwanag nito na nagsimula ang kasaysayan ng pamilihan noong 1966 sa pamamagitan ng isang groundbreaking ceremony. Pagsapit ng 1969, natapos ang konstruksyon nito at nakilala bilang Naga City Public Market.

Ayon kay Pabines, noong 2011, sa panahon ng administrasyon ni Mayor Bongat, pinalitan ang pangalan nito at tinawag na Naga City People’s Mall bilang bahagi ng pagbabago sa pagkakakilanlan at imahe ng pamilihan.

Gayunman, sa kabila ng pagpapalit ng pangalan, nanatili sa alaala ng maraming residente, lalo na ng mga nakatatanda, ang dating tawag na City Public Market. Para sa kanila, bahagi ito ng kasaysayan at pagkakakilanlan ng Naga City.

Advertisement

Dagdag pa rito, mahalagang mapanatili ang orihinal na pangalan ng pamilihan dahil sa makasaysayang papel nito sa buhay ng mga Nagueño.

Layunin din ng panukalang pagbabalik ng dating pangalan na maibalik ang dating sigla ng pamilihan bilang sentro ng abot-kayang bilihin at pangunahing pangangailangan, kabilang ang mga sariwang gulay, karne, rekado, frozen goods at mga produktong grocery.

Umaasa ang mga nagsusulong ng panukala na sa pamamagitan nito ay muling makilala ang Naga City Public Market hindi lamang bilang lugar ng pamimili kundi bilang mahalagang bahagi ng kasaysayan, kultura at kabuhayan ng mga Nagueño.

Advertisement