Ipinagmalaki ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang mga benepisyong inaasahang maidudulot ng bagong kasunduan sa depensa ng Pilipinas at Australia, hindi lamang sa pagpapalakas ng kakayahan ng militar kundi maging sa seguridad, pamumuhunan at paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Teodoro, isa sa pangunahing layunin ng kasunduan ang pagpapasimple ng mga proseso sa ilalim ng umiiral na Philippines-Australia Status of Visiting Forces Agreement o SOVFA.
Sa halip na dumaan umano sa maraming hakbang at magkakahiwalay na pahintulot bago maisagawa ang isang aktibidad, inaasahang magiging mas mabilis ang koordinasyon at pagtutulungan ng dalawang bansa.
Sa ganitong paraan, mababawasan umano ang mga kinakailangang proseso o tinatawag na red tape, kaya mas magiging mabilis ang pagsasagawa ng mga pinagsamang aktibidad ng kanilang mga puwersang militar.
Dagdag pa ni Teodoro, bahagi rin ito ng pagsusulong ng soberanya ng Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ipinaliwanag naman ng kalihim na tatlong pangunahing pakinabang ang inaasahan ng pamahalaan mula sa kasunduan, na direktang makatutulong sa mga ordinaryong mamamayan.
Una rito ang mas mabilis na pagtugon sa mga sakuna at kalamidad. Aniya, sa halip na dumaan sa napakaraming hakbang bago makapagbigay ng tulong, inaasahang mas mapapabilis ang pagresponde dahil maaga pa lamang ay napag-uusapan at napaghahandaan na ng Pilipinas at Australia ang mga posibleng pangangailangan ng mga maaapektuhan.
Inaasahang makatutulong din aniya ang mas matatag na ugnayang pangdepensa sa pagpapalakas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan.
Ayon kay Teodoro, mahalagang konsiderasyon ng mga negosyante ang seguridad at katatagan ng isang bansa bago sila magpasiyang maglagak ng puhunan. Dahil dito, hindi lamang mga mamumuhunang Australiano kundi maging ang iba pang interesadong bansa ang inaasahang mahihikayat na mamuhunan sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni Teodoro ang kahalagahan ng West Philippine Sea sa pangmatagalang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Aniya, mahalaga ang seguridad at katatagan sa naturang karagatan upang masuportahan ang pag-unlad ng ekonomiya. Inaasahan din niyang makatutulong ang mas pinalakas na kooperasyon upang maging mas matatag ang Pilipinas sa harap ng mga pandaigdigang pangyayaring nakaaapekto sa presyo ng mga bilihin.
Matatandaang nilagdaan kahapon, Nobyembre 15 ang bagong Defense Cooperation Arrangement o DCA nina National Defense Teodoro at Australian Ambassador to the Philippines Marc Innes-Brown, sa harap ni Australian Prime Minister Anthony Albanese, na bumisita sa bansa kaugnay ng mga aktibidad para sa 49th ASEAN Summit.














