Kinumpirma ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na kabilang si Rhenz Abando sa mga pangunahing pagpipilian ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone para sa ikalimang window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Ayon kay SBP Executive Director Erika Dy, mayroon umanong nakahandang shortlist si Cone ng mga manlalarong maaaring tawagin sakaling hindi makapaglaro ang mga unang napiling atleta.

Kabilang si Abando sa mga nangungunang pangalan sa listahan ng coaching staff ng Gilas Pilipinas.

Inaasahang papalitan niya sina Carl Tamayo at Calvin Oftana na parehong hindi makakasama sa torneo na gaganapin sa Malaysia. Si Tamayo ay kasalukuyang nagpapagaling mula sa ankle sprain, habang inaasahan naman ang panganganak ng asawa ni Oftana.

Advertisement

Ito ang magiging unang pagkakataon na makakalaro si Abando sa ilalim ng pamumuno ni Cone bilang head coach ng Gilas Pilipinas.

Sa kasalukuyan, naglalaro ang 28-anyos na si Abando sa Korean Basketball League. Huli siyang naglaro para sa Gilas Pilipinas noong 2023 FIBA Basketball World Cup na ginanap sa Pilipinas.

Nakatakdang harapin ng Gilas Pilipinas ang Syria sa Nobyembre 27 at Iran sa Nobyembre 29 bilang bahagi ng Asian Qualifiers.

Advertisement