Nagkaroon ng unang personal na pagkikita sa loob ng ilang taon sina United States President Donald Trump at Russian President Vladimir Putin sa ginaganap na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) forum sa China.
Dumating si Trump sa China noong gabi ng Miyerkules, Nobyembre 18, kung saan sinalubong siya sa paliparan ni Chinese President Xi Jinping kasama ang asawa nito.
Ilang sandali matapos ang pagdating ng US president, lumapit din si Putin at nakipagkamay kay Trump. Ito ang naging unang pagkakataong nagkasama sa isang pagtitipon ang tatlong lider ng makapangyarihang bansa.
Inaasahang magkakaroon ng pag-uusap sina Trump at Putin, kung saan kabilang sa pangunahing tatalakayin ang nagpapatuloy na digmaan sa Ukraine.
Samantala, nakatuon din ang APEC Summit sa mga usaping may kinalaman sa ugnayan ng United States, China, at Russia.
Bagama’t hindi pa inilalantad ng tatlong lider ang kabuuang agenda ng kanilang mga pag-uusap, inaasahang kabilang sa mga posibleng talakayin ang mga sigalot sa Ukraine at Iran, paglaganap ng mga sandatang nuklear, tensiyon sa kalakalan, at pagpapaunlad ng artificial intelligence (AI).
Huling nagkita sina Trump at Putin noong Agosto 2025 nang bumisita ang Russian president sa Alaska para sa pag-uusap tungkol sa digmaan sa Ukraine. Gayunman, hindi nagbunga ng napagkasunduang solusyon ang naturang pagpupulong.








