Halos isang katlo ang ibinaba ng bilang ng mga barko ng China na namataan sa mga pangunahing bahagi ng West Philippine Sea sa linggong isinagawa ng Pilipinas ang ASEAN Summit.

Ayon sa datos ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabuuang 19 na barko ng China ang na-monitor sa Ayungin Shoal, Bajo de Masinloc, Escoda Shoal at Pag-asa Island mula Nobyembre 9 hanggang 16. Mas mababa ito ng 10 barko kumpara sa 29 na naitala noong Nobyembre 3 hanggang 8.

Sa 19 na barkong namataan, 14 ang mula sa China Coast Guard habang lima naman ang kabilang sa People’s Liberation Army Navy (PLAN). Mas mataas ang bilang noong nakaraang linggo, kung saan 20 barko ng China Coast Guard at siyam na barkong pandigma ang na-monitor.

Pinakamaraming presensya ng mga barko ng China ang naitala sa Bajo de Masinloc na may siyam, kasunod ang Ayungin Shoal na may anim. Tatlong barko naman ang namataan malapit sa Pag-asa Island at isa sa Escoda Shoal.

Advertisement

Naganap ang pagbaba ng bilang ng mga barko kasabay ng pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit. Gayunpaman, wala pang kumpirmasyon o malinaw na ebidensiyang nag-uugnay sa dalawang pangyayari.

Advertisement