Pinuna rin ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang naging pagpunta ng content creator na si Geo Ong sa tanggapan ng ahensya sakay ng helicopter ngayong Lunes.

Ayon kay Lacanilao, seryosong trabaho ang ginagawa ng LTO kaya hindi niya nagustuhan ang tila ginagawang content ang paglabag sa batas-trapiko.

Binigyang-diin din ng opisyal na dapat gamitin sa mabuting paraan ang kasikatan at impluwensiya, lalo na’t maraming kabataan ang maaaring tumingin sa mga sikat na personalidad bilang halimbawa.

Sinabi rin ni Lacanilao na walang lugar sa tanggapan ng LTO na maaaring paglapagan ng helicopter ni Ong.

Advertisement

Matatandaang pinadalhan ng LTO ng show cause order si Ong matapos kumalat ang video kung saan nagmamaneho siya ng motorsiklo nang walang suot na helmet, habang wala ring helmet ang dalawa niyang angkas.

Sinita rin siya dahil sa umano’y overloading at reckless driving matapos makitang kumukuha ng video habang nagmamaneho.

Dahil dito, isinailalim sa 90-day preventive suspension ang kanyang driver’s license habang inilagay naman sa alarm status ang mga sangkot na motorsiklo.

Sa kabila nito, personal na nagtungo ang naturang content creator sa LTO at isinauli ang kanyang lisensya.

Aminado naman ang vlogger na nagkamali siya at hinimok ang kanyang mga tagasuporta na huwag tularan ang kanyang naging paglabag.

Sinabi ni Lacanilao na ilalabas nila sa lalong madaling panahon ang resolusyon kaugnay sa kasong kinakaharap ni Ong.

Advertisement