NAGA CITY – Kumpiskado ang halos P4-M na halaga ng iligal na droga mula sa dalawang suspek sa isinagawang buy-bust operation sa Purok Damayan 1, Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City.
Kinilala ang mga suspek na sina Angelo Tongo, alyas Nognog, 25-anyos, residente ng nasabing barangay at Judel Oandasan Gutlay, alyas Banjo, 33-anyos, residente naman ng Brgy. Ibabang Dupay sa nasabi ring lungsod.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office napag-alaman na nakabili ang nagpanggap na posuer buyer ng isang plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu sa halagang P20-K mula sa suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na maliban pa sa buy-bust item, nakumpiska pa sa mga suspek ang isang plastic bag na may lamang 12 piraso ng heatsealed transparent plastic sachet ng iligal na droga.
Samantala, tinatayang may bigat na 196 grams ang mga narekober na iligal na droga at nagkakahalaga ng nasa P3,998,400.
Napag-alaman din na kasama sa listahan ng mga high value individual ng mga kapulisan sina Tongo at Gutlay.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.