NAGA CITY – Tuluyan nang dinala sa Maynila ang abo ni dating Cong. Atty. Rolando Nonoy Andaya kaninang alas-dose ng madaling araw para makita ng kaniyang mga kamag anak bago ito ihatid sa huling hantungan.
Ito’y matapos i-cremate at iburol nang ilang oras sa Eternal Gardens na nagbigay daan naman para sa mga kaibigan at kasama nito sa pulitka na makita ito sa huling sandali.
Nanatili rin namang tikom ang bibig ng mga awtoridad dahil na rin sa naging pakiusap ng pamilya Andaya na huwag nang magpalabas ng pahayag at hintayin na lamang ang opisyal na magiging pahayag ng mga kamag-anak nito.
Sa kabila nito, inilarawan naman ni Pasacao Councilor Carlo Bañas bilang “very principled” at “very intelligent man”, ang dating opisyal.
Aniya, mapagmahal at may malasakit sa kaniyang mga nasasakupan ang dating kongresista at walang ibang iniisip kung hindi ang ikabubuti ng lalawigan ng Camarines Sur.
Dagdag pa nito, nasaksihan niya mismo kung paano ito magmalasakit sa lalawigan noong nakasama niya si Andaya sa Central Bicol State University of Agriculture nang maglingkod bilang representative ng education sector ng Kongreso.
Ito rin ang dahilan kung bakit labis umano silang nabigla at nalungkot nang mapabalita na binawian na nga ng buhay ang dating opisyal.
Hindi umano nito akalain na ang pagsasama-sama ng kanilang grupo isang linggo bago ang May 9 election ang magiging huling pagkakataon na makikita at makakasama nito ng buhay si Andaya.
Ayon pa sa konsehal, maging sila ay hindi rin alam kung ano ang totoong naging dahilan ng biglaang pagkawala ng dating opisyal, dahil maging sa kanila umano ay hindi na rin ipinaalam pa ng pamilya Andaya ang nasabing impormasyon.
Nagpasalamat rin ito sa lahat ng patuloy na sumusuporta at patuloy na nagtitiwala sa dating kongresista kahit na wala na ito sa pwesto.
Sa ngayon, wala pa namang impormasyon kung kailan ang eksaktong araw ng libing ng nasabing dating opisyal.