NAGA CITY – Nakalaya na ang aktibista na si Sasah Sta. Rosa, tagapagsalita ng Anakbayan Naga City, noong Lunes, Oktubre 18, 2021.
Kung maaalala, si Sta Rosa ay nadakip matapos makunan ng mga baril at mga pampasabog sa kaniyang bahay sa lungsod ng Naga sa isinagawang raid ng mga otoridad.
Dahil dito, ito ay naharap sa kasong illegal possession of firearms at illegal possession of explosives.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Former Naga City Mayor Atty. John Bongat, na siyang tumayong abogado ng nasabing aktibista, sinabi nito na matapos ang humigit-kumulang anim na buwan ay tuluyang ibinasura ng korte ang kaso na isinampa ng CIDG laban dito.
Ayon kay Bongat, nakitaan umano ng pagkukulang ang pag-implement ng search warrant sa dating akausado.
Aniya, pagdating ng mga otoridad sa bahay ni Sta Rosa, halos isang oras pa ang hinintay ng mga ito bago isinagawa ang search operation kung saan hindi na umano alam kung sino-sino na ang mga pumasok sa loob ng bahay.
Dagdag pa ni Bongat, hindi nakumbinsi ang korte sa isinampang kaso ki Sta. Rosa dahil sa mismong substance ng search warrant na ginamit na estratehiya ng legal team para suriin ang validity nito.
Ayon kasi dito, kung mapatunayan na hindi valid ang search warrant, anuman ang makuhang ebidensiya ay maituturing na “inadmissible in evidence.”
Sa ngayon, masaya umano ang kampo nito na nakalaya na si Sta Rosa.
Ngunit maghihintay pa rin umano sila ng 16 na araw at kung hindi na magsampa pa ng motion for reconsideration ang kabilang kampo, ay maituturing na ang tuluyang paglaya ng nasabing aktibista.