NAGA CITY – Panawagan ngayon ng alkalde ng Bato, Camarines Sur kay Camarines Sur Governor Luigi Villafuerte at sa buong Sangguniang Panlalawigan na respetuhin at sundin ang mga tuntunin na sila rin naman ang may gawa.
Ito’y matapos na hindi pa rin payagan na bumalik sa kaniyang puwesto bilang alkalde ng nasabing bayan si Mayor Domingo Zorilla Jr matapos ang kaniyang 60-days suspension na nagtapos na noong Hulyo 7, 2023.
Maaalala, binabaan ni Governor Villafuerte ng 60-days suspension si Zorilla noong ika-8 ng Mayo ngayong taon dahil sa kinakaharap nitong kaso na grave misconduct na inihain ni Victorio Ramos, at iba pa.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ng opisyal, sinabi nito na dapat na sundin ng Sangguniang Panlalawigan ang kanilang mga tuntunin na magiging final and executory lamang ang desisyon ng Sanggunian, 30-days matapos na matanggap ng respondent ang kopya ng reklamo.
Aniya, Hulyo 3 ng matanggap nito ang panibagong kautusan ni Governor Villafuerte para sa panibagong 6-months suspension ngunit ilang araw pa lamang ang nakakaraan ay hindi na ito pinayagan na makapasok pa sa munisipyo, ito’y matapos na madatnan ng alkalde at ng mga taga-suporta nito na nakakandado ang mga gate ng kanilang municipal hall kahapon, Hulyo 10.
Nakatakda kaya sanang bumalik ang alkalde sa kaniyang pwesto kahapon matapos ang nauna nang 60-days suspension, ngunit sa kasamaang palad ay hindi na ito pinayagan pa na makapagreport sa trabaho.
Mismong ang opisyal rin ang sumira sa mga kandado ng gate upang makapasok ang mga mamamayan sa loob ng compound ng munisipyo lalong-lalo na ang may mga kailangang asikasuhin dito.
Binigyan diin rin ni Zorilla na dapat na bigyan rin ito ng pagkakataon na makaharap at ma-cross examine ang mga nagsampa ng kaso sa kaniya, ngunit wala umanong nangyaring hearing sa nasabing kaso.
Dahil dito, tila umano maging ang Sangguniang Panlalawigan ay hindi sumusunod sa sarili nilang mga alintuntunin dahil sa nasabing pangyayari.
Aniya, malinaw ang naging desisyon ng Sangguniang Panlalawigan dahil tama ang kanilang hinala na hindi pag-uusapan ang kaso at ang pag-uusapan ay kung ano ang kulay o estado sa pulitika sa Camarines Sur dahil siya lang lamang umano ang ang alkalde sa Rinconada Area na hindi kaalyado ng mga Vilalfuerte.
Sa kabila nito, binigyang diin pa ng alkalde na nirerespeto nito ang authority ng Gobernador at iba nitong mga kaalyado dahil inihalal ang mga ito ng kanilang mga kababayan ngunit hangad rin nito na irespeto rin ng mga ito ang naging desisyon ng mga tao na sya naman ang ihalal na alkalde ng kanilang bayan.