Alkalde ng isang bayan sa CamSur, aminado na walang pondo para sa COVID-19 vaccine
NAGA CITY- Aminado ang alkalde ng Pili, Camarines Sur na wala silang pondo para sa pambili ng COVID-19 vaccine.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Pili Mayor Tom Bongalonta sinabi nito na kung sa oras na kailanganin na talaga ang naturang vaccine aasa na lamang umano sila sa national government.
Ayon pa dito, halos kalahati umano sa mga residente ng nasabing bayan ang ayaw magpaturok ng bakuna, kung kaya magsasagawa umano sila ng information drive na pangungunahan ng kanilang dalawang municipal doctor.
Layunin ng naturang info drive na mas maipaliwanag sa mga mamamayan ang kahalagahan ng naturang bakuna.
Samantala, mahigpit naman umano ang isinasagawang pagbabantay ng kanilang lokal na pamahalaan sa taong bumababa sa kanilang bayan na mula sa ibang lalawigan lalo na ang mula sa Manila.
Kaugnay nito, tinitiyak nila na mayroon ang mga ito ng medical certificate, swabtest negative result at dapat maroon din ang mga ito ng acceptance certificate mula sa kanilang bayan.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang pagpapatupad ng mga health protocols para makaiwas sa nakamamatay na sakit.