NAGA CITY – Umapela si Naga City Mayor Nelson Legacion kina Vaccine czar Carlito Galvez Jr., at Department of Health Secretary Francisco Duque III, kaugnay sa pagpirma ng multi-party agreement na isinumete ng alkalde noong Hunyo 24, 2021.
Ang multi-party agreement na lamang umano kasi ang hinihintay para maipagpatuloy na ang pagbili ng nasa 50,000 doses ng bakuna.
Sa naging pagharap ni Legacion sa mga kagawad ng media sinabi nito na hindi na dapat pinapatagal pa ng mga kalihim ang pagpirma sa nasabing kasunduan.
Aniya, kumpleto na ang lahat ng dokumento na kinakailangan ng mga manufacturer ng bakuna upang maproseso na ang binibiling COVID-19 vaccine ng lokal na pamahalaan ng lungsod sa Bharat Biotech.
Dagdag pa ni Legacion, hindi naman ito makakasama bagkus makakatulong pa ito upang magkaroon ng mas maraming supply ng bakuna sa lungsod maliban pa sa mga nagmumula sa national government.
Samantala, ayon pa sa alkalde, pinapayagan naman ang pagbili ng bakuna ng mga lokal na pamahalaan sa Pilinas batay na rin sa naging kautusan ni Presidente Rodrigo Duterte.
Sa ngayon, panawagan na lamang ng Legacion na dumami pa ang supply ng bakuna na ipapadala ng pamahalaan matapos na mapalawig pa ang Modified Enhaced Community Quarantine (MECQ) sa lungsod ng Naga.