NAGA CITY – Mabait na bata kung ilarawan ng ama ng biktimang nagpakamatay sa Brgy. Agdangan, Baao Camarines Sur.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jose Borela, ama ng isa sa mga biktimang nagpakamatay, sinabi nito na hindi umano nito malaman ang dahilan ng kaniyang anak sa pagbawi nito sa sariling buhay.
Ayon dito, umalis na lamang umano sa kanilang bahay ang anak ngunit nang nagdidilim na ay hinanap na nito ang anak.
Ngunit natagpuan na lamang aniya nito ang anak na nakabigti na sa isang punongkahoy at wala nang buhay na agad naman nitong binaba mula sa pagkakabigti.
Ayon pa kay Borela, wala namang nakikwentong problema ang binata kaya hindi nito lubos maisip kung bakit nagawa ng anak ang ganitong bagay.
Samantala, una dito, nabatid na 10 itong magkakaibigan kung saan tatlo sa mga ito ay una ng nagpakamatay habang naagapan naman ang isa pa matapos na maputol ang lubid na gagamitin sana sa pagpapakamatay nito.
Kaugnay nito, isinailalim na sa counseling ang naturang magkakaibigan kasabay narin ang pagkikipagusap sa mga magulang ng mga ito.
Sa ngayon, patuloy pa rin na iniimbestigahan at tinitingnan ng mga otoridad ang iba pang posibleng anggulo sa nasabing pangyayari.