NAGA CITY- Patay ang isang magsasaka habang sugatan naman ang isnag menor de edad matapos makuryente sa Mulanay, Quezon.

Kinilala ang namatay na si Mario Guevarra Sabalboro, 38-anyos at ang sugatan na anak nito na isang 14-anyos na babae, residente ng Sitio Cambangli Brgy. Patabog sa nasabing bayan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na pumunta ang mag-ama sa Sitio Baog Brgy. Ilayang Yuni sa nasabing bayan para manguling at nagkataon na mayroong silang nakita na wild cat at ito ay kanilang hinabol hanggang sa makarating sila sa isang private property. Nang pumasok sa lugar, dito na nahawakan ni Sabalboro ang isang live wire na naging rason para makuryente ito at nagin dahilan rin ng kaniyang agarang pagkamatay.

Samantala, nagtamo naman ng sugat sa kamay ang anak nitong babae at nawalan ng malay matapos nitong tulongan si Sabaldoro na agad naman dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Sa ngayon, isinailalim na sa post-mortem examination ang katawan ni Sabaldoro habang nagpapagaling naman ang menor de edad na biktima.