NAGA CITY- Arestado ang isang pedicab driver matapos manunog ng bandila ng Pilipinas sa bayan ng Calabanga, Camarines Sur.
Kinilala ang suspek na si Darwin Aban, 34-anyos residente ng Zone 4 Barangay Del Carmen, sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt Mark Spaña, Deputy Chief of Police ng Calabanga Municipal Police Station, sinabi nito na nakuhanan sa isang CCTV footage ang pagsungkit ng suspek sa bandila na nakasabit sa outpost ng nasabing barangay at naglakad palayo sa lugar.
Aniya, dito na makikita ang pagsilab ng suspek sa nasabing bandila.
Ayon kay Spaña, agad na nagpalabas ng warrant of arrest at inihain sa suspek na hindi na rin nagawa pumalag pa.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na nasa ilalim ng impluwensiya ng alak si Darwin at base sa salaysay ng suspek, may dinadala itong problema kung kaya nagawa ang nasabing insidente.
Kaugnay nito, nabatid na anak ng isang barangay kagawad ang nasabing suspek.
Samantala, sinampahan na rin ito ng kasong paglabag sa Section 1 ng Republic Act 8491 at posible naman na makulong ng hanggang sa isang taon at aabot naman sa P5,000 hanggang P20,000 ang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Darwin para sa karampatang disposisyon.