NAGA CITY- Pinapanatili ng mga awtoridad at opisyal ng barangay ang mapayapang paggunita sa Undas sa lungsod ng Naga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay Niboy Roquid, Barangay Kagawad ng Concepcion Pequeña, sinabi nito na nagpatupad sila ng one way papasok sa greenland para maiwasan ang traffic lalo na’t maraming tao ang bumibiyahe sa araw na ito.

Sa nasabing operasyon, tinulungan sila ng mga barangay tanod at tauhan ng Philippine National Police gayundin ng PSO.

Dagdag pa ng opisyal, humingi sila ng augmentation ng mga barangay tanod sa mga barangay tulad ng Del Rosario, Concepcion Grande, Mabolo Triangulo at Lerma. Kaya naman, pananatilihin ng mahigit 100 tauhan ang peace and order sa paggunita ng Undas ngayong araw.

Binigyang-diin ng opisyal na naka-duty ang nasabing mga tauhan hanggang matapos ang okasyon. May kanya-kanyang trabaho rin ang mga barangay tanod, kasama ang PNP at PSO, at ang iba ay itinalaga sa loob ng sementeryo para mamonitor ang pagpasok at paglabas ng mga tao.

Ang mga barangay tanod mula sa Concepcion Grande Del Rosario, Mabolo Triangulo, Lerma ay mayroon din umanong mga itinalagang lugar na inookupahan.

Umaasa rin si Roquid at lahat ng opisyal ng barangay na makikipagtulungan ang publiko upang maging mapayapa ang pagdiriwang ng okasyon.

Umapela din ito sa mga bumibisita sa sementeryo na huwag uminom sa loob, huwag magdala ng alak, at huwag magdala ng anumang matutulis na bagay upang maiwasan ang ano man na aksidente.