Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang kahalagahan ng patuloy na pagpapalaganap at pagpapayabong ng wikang Filipino, gayundin ng mga lokal at rehiyonal na wika sa bansa, sa paggunita ng ika-90 anibersaryo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Ayon kay Angara, patuloy na nagsisikap ang Department of Education (DepEd) na madagdagan ang bilang ng mga aklat na isinasalin sa iba’t ibang wika upang mas mapalawak ang access ng mga Pilipino sa mga babasahing madaling maunawaan at makatutulong sa kanilang pagkatuto.
Isinusulong ang naturang hakbang sa pamamagitan ng mga programa ng pamahalaan sa pagpapalathala ng mga libro, katuwang ang National Book Development Board at iba pang ahensiyang nasa ilalim ng DepEd.
Layunin ng mga programang ito na mahikayat ang mas maraming Pilipino, partikular ang kabataan, na linangin ang kanilang hilig sa pagbabasa habang pinahahalagahan ang sariling wika at kultura.
Dagdag pa ng kalihim, mahalagang bigyang-pansin hindi lamang ang wikang Filipino kundi pati ang mga lokal at rehiyonal na wika na sumasalamin sa kasaysayan, kultura at pagkakakilanlan ng bawat pamayanan.











