NAGA CITY- Walang naitala na nagbebenta ng sanggol online ang Anti-Cybercrime Unit Region V sa Rehiyong Bikol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Captain Angelo Babagay, Hepe ng Police Regional Office 5 Anti-Cybercrime Unit, sinabi nito na wala umano silang namomonitor ng ganitong insidente lalo na sa Camarines Norte at Camarines Sur.

Ngunit isa ito sa kanilang minomonitor at lahat naman ng rehiyon at probinsya ay nagsasagawa ng kanilang cyber patroller.

Ayon kay Babagay, ang pagbebenta ng sanggol ay maituturing na Trafficking in Person, at ang kasong ito ay walang rekomendadong piyansa o ang tinatawag na heinous crime.

Maliban pa dito, maging ang tumulong upang maibenta ang sanggol ay maaari ring kasuhan.

Kadalasan umanong nangyayari ito sa mga magkakapamilya na binibigay na lamang ang sanggol na walang kumpletong papeles.

Kaugnay nito, nanawagan naman ang si Babagay na sakaling mayroon nabalitaan ang sinuman na may nangyayaring bentahan ng sanggol ay ipagbigay alam agad ito sa pulisya upang kaagad na maaksyunan.