NAGA CITY- Patay ang dalawang kabataan matapos malunod sa Barangay Calalahan sa bayan ng San Jose, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay San Jose Mayor Jerold Peña, sinabi nito na bandang alas 5 ng hapon, kahapon ng makatanggap ito ng chat sa kanyang messenger patungkol sa pagkalunod ng apat na magpipinsan sa dagat na sakop ng nasabing barangay.
Ayon kay Mayor Peña, tinangay ng alon ang tsinelas na suot ng isang biktima kung kaya inabangan nito sa dulo ng nasabing ilog o Sabangan upang hindi umabot sa dagat. Pero sa kasamaang palad tinangay ito ng malakas na agos ng tubig papunta sa malalim na bahagi ng karagatan.
Dito na umano napansin ng tatlong pinsan nito na nalulunod ang kanilang kasamahan kung kaya agad na tinulungan, pero sa kasamaang palad din lahat sila ay tinangay ng malakas na agos ng tubig dagat.
Nakapunta sa magkaibang bahagi ang apat na biktima kung saan ang dalawa ay napunta sa kaliwa habang ang dalawa naman ay napunta sa kanan. Posible umano ito dahil mayroong dalawang current ng tubig ang nasa Sabangan.
Nilinaw naman ng alkalde na hindi naliligo ang mga biktima at sila ay nasa lugar upang mamasyal sa tinatawag na boulevard. Dagdag pa ng opisyal, mayroong mga permanenteng signages ang nakalagay sa pinangyarihan ng insidente at marami rin umanong namamasyal.
Ang naging dahilan lamang ng nasabing insidente ay nagsimula sa pagkakatangay ng tsinelas ng isa sa mga biktima.
Samantala, kaagad naman na nagresponde ang mga tauhan ng PCG kasama ang mga kapulisan at kaagad na dinala sa pinakamalapit na ospital ang apat ngunit binawian rin lamang ang dalawa sa apat na biktima.
Sa ngayon, pina-alalahan naman ng alkalde ang mga magulang ng mga kabataan na bantayan ang kanilang mga anak at siguraduhin na alam nila kung saan pumunta ang kanilang mga anak. Tiniyak rin ni Mayor Pena na mas hihigpitan pa nila ang pagbabantay sa lugar upang hindi na maulit pa ang nasabing pangyayari lalo pat noong nakaraang taon, may napaulat na kahalintulad na pangyayari sa kanilang bayan.