NAGA CITY – Puspusang training ang naging puhunan ng atletang tubong Naga City upang dominahin ang mundo ng swimming sa kakatapos pa lamang na Palarong Pambansa 2023.

Ito’y matapos na masungkit ni TJ Amaro ang gold medal sa 50m butterfly swimming event sa katatapos pa lamang na torneyo at maging 2023 Batang Pinoy Record holder sa kaparehas na kategorya.

Nakapag-set rin ng bagong record si Amaro matapos nitong malampasan ang kaniyang 2018 record na 26.34 seconds sa 26.14 seconds.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga sa atleta, sinabi nito na labis ang naramdaman nitong kasiyahan matapos na makita ang kaniyang pangalan sa board ng mga nanalo kung saan ang pangalan nito ang nasa rank 1.

Aniya, bago ang tagumpay, puspusang training araw-araw tuwing umaga at tanghali ang ginagawa nito, katulad na lamang ng pag-improve sa katawan sa pamamagitan ng pag-eexercise ng tamang diet.

Maliban pa dito, nagpopokus umano ito sa isang bagay katulad na lamang na kung nasa swimming pool ito, nakatuon ang kaniyang pansin sa pag-eensayo ngunit kung wala naman ito dito ay hindi nya naman ito iniisip.

Samantala, matagal na rin naman umano ng magsimula itong sumali sa mga swimming competition ngunit pagdating sa National Event ilang beses pa lamang itong nakasali at ito rin ang pinaka-unang beses na lumaban si Amaro sa Palarong Pambansa.

Ang nasabing tagumpay ng atleta ay isa sa kaniyang pangarap kung kaya naman labis ang pasasalamat nito sa pagkakapanalo at maging sa mga naging inspirasyon nito.

Sa kabilang banda, habang nasa patimpalak hindi naman umano ito nakaramdam ng kaba dahil naka-set na sa kaniyang mindset ang mga natutunan nito sa training na isinagawa nito kasama ang kaniyang coach.

Sa ngayon, hangad na lamang ng atleta na sumali pa sa mga katulad pa nitong aktibidad upang mas maipakita at maipamalas ang lahat ng pagsusumikap nito sa kaniyang mga trainings.