NAGA CITY – Pinawi ng isang opisyal ng Lokal na Pamahalaan ng Naga ang pangamba na maaring makapasok at makaapekto sa lungsod ang African Swine Fever disease na naitala sa ilang piggery sa Pili, Camarines Sur.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni City Administrator Elmer Baldemoro, sinabi nito na na-contain na ang sakit sa nasabing bayan at lahat ng baboy na naapektuhan nito ay na-depopulate na.
Nahuli na rin umano ang pagpapalabas ng impormasyon hinggil dito dahil Hulyo 20 pa ito naitala sa nasabing bayan.
Agad rin naman na umaksiyon ang lokal na pamahalaan ng Pili upang maiwasan na ang pagkalat pa nito sa kanilang lugar at mas marami pang hog raisers ang maapektuhan.
Dagdag pa ng opisyal, on-going pa rin ang proseso ng pagpapakatay ng Pili sa Naga City at nasa Sangguniang Panlungsod pa rin ang MOA sa pagitan ng mga ito, dahil dito, wala pang mga baboy mula sa bayan ng Pili ang kinatay sa lungsod.
Kaya tiyak na hindi pa nakapasok sa lungsod ang sakit at hindi ito makakaapekto sa mga baboy dito.