NAGA CITY- Nasa pangangalaga na ng lokal na pamahalaan ng San Jose sa lalawigan ng Camarines Sur ang aso na nagdala ng pagkatakot sa buong bayan dahil sa pagiging agresibo at hindi normal na pagkilos nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Jerold Peña ng LGU San Jose, sinabi nito na batay umano sa report ng kanilang Municipal Agriculture’s Office, umabot sa anim na katao kabilang na ang mga menor de edad ang naging biktima ng naturang aso. Ang nasabing mga biktima ay patuloy na inoobserbahan ng mga doktor at nagsailalim na rin sa injection upang matiyak na hindi kumalat ang rabies o impeksyon.

Ayon sa opisyal, kaagad na nagpalabas ng babala ang kanyang opisina, upang abisuhan ang kanyang mga nasasakupan patungkol sa sinasabing baliw na aso na pagala-gala sa buong bayan.

Maliban dito, kaaad din na nakipag-ugnayan ang kanilang opisina sa mga kapulisan at sa 29 na Barangay sa kanilang Municipalidad upang maipabatid sa kanilang mga residentes na huwag munang lumabas ng kanilang bahay kung wala namang importanteng gagawin at ang pag-iingat mula sa nasabing hayop.

Kaugnay nito kaagad naman na umaksyon ang lokal na pamahalaan ng San Jose katuwang ang mga kapulisan at mga kaukulang opisina upang kaaagad na madakip ang aso na matagumpay naman nilang natagpuan ang kinaroroonan. Inilagak ito sa impounding area at patuloy na inoobserbahan ang kalagayan.

Nilinaw naman ng Alkalde na isa ang kanilang bayan sa mga nagpapatupad ng Anti-Rabies Act at sumusunod sa mga regulasyon upang matiyak na ligtas ang lahat laban sa nakakamatay na rabies.

Sa ngayon, pinayuhan na lamang ng opisyal ang publiko na i-report sa kaniyang opisina kung mayroong hindi pamilyar na aso na pagala-gala sa kanilang lugar at iwasan umano na saktan ang mga ito upang hindi malagay sa alanganin na sitwasyon.