NAGA CITY- Pinabulaanan ng aspirante sa pagka-gobernador sa Camarines Sur ang nagkalat na balitang raid na nangyari sa isang warehouse sa Concepcion Grande sa Naga City.

Maalala, sinalakay ng mga tauhan ng CIDG Camarines Sur at DSWD Disaster Response Management Division (DRMD) ang isang warehouse sa lungsod dahil umano sa mga nakatagong mga food packs.

Sa panayam ng Bombo kay Ronald “Bong” Rodriguez, Aspirant Governor sa Camarines Sur sinabi nito na hindi raid ang nangyari at wala umanong ginawang pagkumpiska sa mga kagamitan o items na nakita sa warehouse.

Paliwanag ni Rodriguez, bago pa ang kapaskuhan noong nakaraang taon, sa kasagsagan ng pamimigay ng mga goods nina Congressman Gabby Bordado, binigyan umano sila ng deadline nang DSWD Region 5 na kailangan na nilang kunin ang dagdag na food packs na allocated sa kanila ng nasabing opisina bago matapos ang taon dahil kung hindi ipapadala na lamang ito sa Masbate.

Ginawan umano ng paraan ni Congressman Bordado na makuha ang dagdag na food packs ngunit nagkaroon ng problema sa paglalagyan ng warehouse.

Dahil hindi kayang maipamigay noong nakaraang buwan ng Disyembre ang nasabing mga food packs, pansamantala muna itong inilagay sa warehouse ng Gibo consumers cooperative.

Nakiusap umano si Congressman Bordado at mayroong kasulatang ginawa ang Gibo staff na nagsasabi na pansamantala lamang ang paglalagay ng mga food packs sa kanilang warehouse at ngayong buwan ng Enero ay nakatalaan na ipapamigay na.

Dagdag pa ni Rodriguez, ang nasabing pakiusap ay good will at wala umanong binabayaran ang Gibo consumers cooperative sa opisina ng Congressman.

Kaugnay ng pangyayari, papa-imbestigahan ng kanilang kampo ang nasabing insidente lalo pa’t mayroon umanong na harass na mga tao sa lugar kahit mayroon namang naipresenta na dokumento.

Sa ngayon, binigyang-diin na lamang ni Rodriguez na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga abogado patungkol sa nasabing insidente.