NAGA CITY – Nagpapatuloy ang isinasagawang assessment ng lokal na pamahalaan ng Naga patungkol sa mga iniwang pinsala ng bagyong Amang lalo na sa mga nalubog sa tubig-baha sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Naga City Administrator Elmer Baldemoro, sinabi nito na nagulat ang buong lungsod sa dami ng ulang ibinuhos na dala ng Tropical Depression Amang na nagresulta sa pagkalubog sa baha ng halos lahat ng barangay sa nasabing lungsod na hindi pa nangyayari sa mga nakalipas na taon.
Aniya, first time na maranasan ng mga Nagueño ang pagbaha sa mga lugar na hindi naman bahain na nagsilbing panibagong hamon sa City Government kung papano matutugunan o mareresolbahan.
Sa kabilang dako nakapagtala ang lokal na pamahalaan ng Naga ng mga barangay na mayroong nagsilikas na mga residentes kung saan aabot sa 259 na pamilya o katumbas ng nasa 871 katao.
Samantala, mayroon ding naitalang mga evacuees sa bayan ng Bombon, Calabanga, Magarao, Canaman, Pamplona, Milaor, Buhi, Goa, Baao, Libmanan, Bula, Pili, Minalabac, Pasacao, Nabua, Gainza, San Fernando at lungsod ng Iriga.
Mayroon pa ring mga naitalang stranded na mga pasahero sa boarder ng Del Gallego na aabot sa 247 katao at 120 na mga sasakyan, habang sa Pasacao Port ay mayroong 29 na stranded individuas at 4 na sasakyan.
Nanatili naman na walang pasok ang mga estudyante sa lahat ng lebel sa buong lalawigan ng Camarines Sur gayundin sa lungsod ng Naga ayon na rin sa ipinalabas na kautusan ni Governor Vincenzo Renato Luigi Reyes Villafuerte at Naga City Mayor Nelson Legacion.
Kaugnay nito, patuloy naman ang pag-iikot ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management offices katulong ang Bureau of Fire Protection, Philippine National Police ng buong lalawigan upang magpaabot ng tulong sa mga nagsilikas at mga stranded pa rin na mga indibidwal.
Sa ngayon, patuloy pa rin na pinag-iingat ang publiko sa buong lalawigan ng Camarines Sur, Camarines Norte maging sa lungsod ng Naga lalo na sa mga lugar na hindi pa rin humuhupa ang tubig-baha.