Tiwala ang Philippine National Police (PNP) na maaaresto rin sa kalaunan ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at dating kongresistang si Zaldy Co na kapwa may kinahaharap na magkakahiwalay na high-profile na kaso.

Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy ang operasyon ng mga law enforcement team laban sa dalawa sa pamamagitan ng mga dokumentadong impormasyon, operational plans, at inter-agency coordination.

“So far, we don’t have a significant update, but our personnel are working based on documented information and established procedures,” ani Nartatez.

May arrest warrants laban kay Ang kaugnay ng mga kaso ng kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention sa isyu ng nawawalang sabungeros. May inilabas ding Interpol red notice laban sa kanya, habang may ulat na nakita siya sa rehiyon ng Calabarzon at may nakalaang ₱20 milyong pabuya para sa kanyang ikaaaresto.

Advertisement

Samantala, si Co ay may kinahaharap na kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control project sa Oriental Mindoro na umabot sa ₱289 milyon, ayon sa Office of the Ombudsman.

Ayon sa mga prosekusyon, ang proyekto ay umano’y hindi umiiral o substandard, at may kaugnayan sa kumpanyang Sunwest Corp. na pag-aari ng pamilya ni Co.

Lumabas din sa ulat na si Co ay iniulat na nasa France noong Mayo 1 matapos ang mga naunang ulat ng kanyang pagkakadetine sa Prague, Czech Republic, ngunit kalaunan ay kinumpirmang wala na siya sa kustodiya ng mga awtoridad doon.

Advertisement