Inaprubahan ng Senado ang Senate Bill No. 1822 o National Autism Care, Support, and Inclusion Act na layong bigyan ng access sa early detection, screening, diagnosis, at timely intervention ang lahat ng may Autism Spectrum Disorder (ASD) at kanilang pamilya.
Ayon kay Senador Francis “Kiko” Pangilinan, itinatakda ng batas ang National Plan of Action for Autism Spectrum Disorder na magtataguyod ng koordinadong polisiya, programa, proyekto, serbisyo, at aktibidad para sa mga taong may ASD.
Ipinag-utos ng panukala sa Department of Health (DOH) na isama sa primary healthcare, maternal and child health programs, at iba pang kaukulang health services ang ASD detection, screening, referral, at diagnostic protocols, na may gender-responsive approach. Layunin nitong mabawasan ang delayed o nakaligtaang pagsusuri at maglatag ng standard clinical guidelines at training programs para sa healthcare professionals at specialists.
Sa ilalim ng batas, kikilalanin ang mga may ASD bilang persons with disability upang magkaroon sila ng benepisyo at pribilehiyo alinsunod sa Republic Act No. 11228 (Magna Carta for Persons With Disability). Kabilang dito ang PhilHealth benefit packages para sa ASD-related health, habilitation, rehabilitation, at intervention needs.
Ipinag-utos din sa DepEd, CHED, TESDA, DOLE, DSWD, at lahat ng LGU ang pagpapalakas ng inclusive education, training programs, equal employment opportunities, at social welfare programs para sa lahat ng may ASD.
Itinatakda rin ng batas ang pagbabawal sa diskriminasyon laban sa mga taong may ASD, na may parusang mula P50,000 hanggang P200,000, at administrative liability para sa mga government officials o empleyado na lalabag dito.









