NAGA CITY- Patay ang isang babae matapos na matupok ng apoy ang kaniyang bahay sa Patitinan Sagñay, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na residente ng Zone 1 Barangay, Santa Cruz sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SFO3 Christine Ayubo, OIC Municipal Fire Marshal, BFP Sagñay, sinabi nito na natagpuan ang katawan ng biktima sa higaan nito sa loob mismo ng kanyang nasusunog na bahay.
Ayon pa kay Ayubo sunog na ang buong katawan ng biktima na pinaniniwalaang nasa mahimbing na pagtulog ng mangyari ang insidente.
Batay naman sa paunang report, ang nasabing biktima ay mayroong mental health condition at mag-isang naninirahan sa nasabing residensiya.
Dagdag pa ng opisyal, posible umanong nagsimula ang sunog sa kusina nito mula sa naiwang apoy mula naman sa niluluto lalo pa’t wala namang kuryente sa bahay ng biktima.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang malaman ang pinaka rason sa pinagmulan ng sunog.
Sa ngayon, inabisuhan na lamang ni Ayubo ang publiko na palagiang i-check ang kanilang ginagamit na kasangkapan sa pagluluto at tiyakin na hini na ito maaring pagmulan ng sunog.