NAGA CITY – Patay ang isang babae matapos na mabangga sa Ragay, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpl. Jodrn Alforte, imbestigador ng Ragay Municipal Police Station, sinabi nito na ala-una nang hapon habang binabagtas ng isang kotse na mayroong sakay na tatlong pasahero ang Rolando Andaya Highway sa bahagi ng Brgy. Panaytayan, sa nasabing bayan ng mawalan ng kontrol ang drayber nito sa sasakyan dahilan upang mabangga nito ang babae na naghihintay sa kaniyang mga kasama sa gilid ng daan.
Dahil sa pangyayari nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang tatlong pasahero habang wala namang tinamong sugat ang driver nito habang ideklara namang dead-on-arrival ang babaeng nabangga ng sasakyan.
Ayon pa kay Alforte, apat ang lanes ng kalsada ngunit putol pa ang ibang bahagi nito kung kaya mayroong barikada ang outerlane na isa sa mga tinitingnang dahilan kung bakit nawalan ng kontrol ang drayber ng sasakyan.
Ito rin ang naging dahilan upang mabangga nito ang biktima at madamay pa ang isang top down maging ang tractor na nakaparada sa gilid ng kalsada. Hindi rin naman umano ito ang unang beses na mayroong nangyaring aksidente sa lugar dahil sa lubak-lubak na kalsada at pakurbada pa ito.
Kasalukuyan naman nang nagpapagaling sa ospital ang mga pasahero ng nasabing sasakyan.
Sa ngayon, mahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting to homicide with physical injuries and damage to multiple property ang driver ng nasabing behikulo.