NAGA CITY – Patay ang isang babae matapos mabundol ng isang kotse sa National Highway, Brgy. Binahaan, Pagbilao, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Marites Napoles, 48-anyos, residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng suspek na si Sonny Boy Marco Llana, 49-anyos, residente ng Brgy. Dela Paz, Daraga, Albay ang kahabaan ng naturang kalsada ng mabundol nito ang tumatawid na biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dahil sa nasabing insidente, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng nasabing insidente.