NAGA CITY – DEAD-ON-ARRIVAL ang isang babae matapos magpatiwakal sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Dongitoy, Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Marjorie Comia, 45-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial office, napag-alaman na nadiskubre na lamang ito ng kaniyang asawa na si Anacleto Comia habang nakabigti na sa pintuan ng kanilang bahay.

Agad naman sana itong dinala sa ospital para sa asistensya medikal ngunit idineklara rin itong dead-on-arrival ng mga doktor.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nakainom umano ang biktima bago pa man pumasok sa kanilang kwarto batay na rin sa mga kamag-anak nito.

Ngunit wala naman aniyang nakitang indikasyon ang mga awtoridad na may nangyaring foul play sa naturang insidente.

Pinaniniwalaan naman na posibleng nakakaranas ng depresyon ang biktima na naging dahilan ng pagpapatiwakal nito.

Sa ngayon, tumanggi na rin ang mga kamag-anak nito na isailalim pa sa autopsiya ang katawan ng naturang biktima.