NAGA CITY – Patay ang isang babae matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang gunman sa Sariaya, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Angelina Limen, 46-anyos, residente ng Sitio Sinegwelasan Brgy. Janagdong 2 sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na natutulog na ang biktima kasama ang kaniyang live-in partner na si Wilfredo Fajarda Estable sa loob ng kanilang bahay nang magising ang mga ito dahil sa tahol ng aso at ingay sa kanilang kusina.
Dahil dito, bumangon si Limen at binukasan ang main door upang alamin kung ano ang nangyayari.
Dito naman nakarinig si Estable ng putok ng baril kung saan tumambad naman dito ang katawan ng biktima na mayroong tama ng bala ng baril sa leeg nito at humihingi ng tulong.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na agad naman sanang dinala sa pagamutan ang biktima ngunit ideklara rin itong dead-on-arrival ng mga doktor.
Samantala, narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang fired cartridge case ng caliber .45 na baril.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente maging ang pagtugis sa suspek na agad namang tumakas matapos na isagawa ang nasabing krimen.