NAGA CITY – Patay ang isang babaeng Balikbayan matapos na mabangga ng isang van sa Brgy. Buhangin, Atimonan, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Jennifer Domacian Galero, 41-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nawalan nang kontrol ang driver ng van na minamaneho ng suspek na si Randy Asilo King, 32-anyos, residente ng Brgy. 152, Apula Cruz, Pasay City.

Dahil dito, nasakop ng van ang kabilang linya ng kalsada na naging dahilan upang mabangga nito ang bisikleta na minamaneho ni Galero.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil sa nasabing insidente, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.