NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang babae sa baybayin na sakop ng Brgy. Capalong Real, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Lilibeth Buenaventura, 58-anyos, residente ng Brgy. San Salvador, Baras, Rizal.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provinvial Office, napag-alaman na habang nasa outing sa isang beach resort sa Brgy Capalong ang biktima kasama ang mga kamag-anak nito nang bigla na lamang umanong umalis si Buenaventura sa nasabing lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na natagpuan ng isang Rodante Antazo ang wala nang buhay na katawan ng biktima sa baybaying sakop ng Brgy. Capalong sa bayan ng Real sa nasabing lalawigan.

Samantala, ayon naman sa kapatid ng biktima na si Jesusa Nuñez, mayroong mental disorder ang kaniyang kapatid.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.