NAGA CITY- Patay na ng matagpuan ang isang babae matapos na pagsasaksakin ng hindi pa nakilalang suspek sa Purok Bagong Silang Brgy. Angeles Atimonan, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Lorena Deseo, 51-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na natagpuan ang katawan ng biktima sa loob ng kaniyang bahay habang napansin din dito ang mga sugat dahil sa pananaksak sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Napag-alaman pa na bago natagpuan ang katawan ng biktima, nakipag-inuman pa aniya ito sa kinilalang sina Arwin Vasquez at Eva Espaniolla sa bahay ng isang barangay tanod sa nasabing lugar.
Ngunit, matapos ang inuman sa lugar, lumipat pa ang mga ito sa bahay ng isang kinilalang si “Jo” sa barangay Balubad kung saan dito naman nakasama ng mga ito ang isang Deo Aguilar.
Samantala, nagkayayaan pa aniya ang biktima at si Aguilar na pumunta sa bahay ng biktima upang ituloy ang kanilang pag iinuman.
Matapos mag-inuman ang dalawa, lumabas na sa bahay si Aguilar habang pumasok na rin sa kaniyang kwarto ang biktima.
Ngunit matapos aniya ang 30 minutos, nakarinig ng mga ingay sa loob ng bahay si Aguilar at merong sumisipa sa kaniya upang humingi ng tulong.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa suspek.