NAGA CITY – Patay ang isang backrider ng isang motorsiklo habang sugatan naman ang drayber matapos mawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo sa Brgy. Pasay, Del Gallego, Camarines Sur.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Mary Jane Lubid, 19-anyos, habang ang sugatang driver naman na si Kevin Aclan, 21-anyos, kapwa residente ng Brgy. Rizal, Tagkawayan, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng mga ito ang kahabaan ng naturang kalsada ng mahawakan ni Aclan ang hand break ng motorsiklo dahilan para mawalan ito ng kontrol, tumilapon at magpagulong-gulong sa kalsada.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang mga biktima na agad namang inala sa ospital para sa asistensya medikal, ngunit idineklara rin namang dead-on arrival ng mga doktor si Lubid.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.