NAGA CITY- Naaprubahan na kahapon ang proposed na bagong pamasahe ng mga pasahero sa pagsakay sa tricycle, padyak at e-trike sa lungsod ng Naga kaugnay ng General Community Quarantine.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Councilor Lito Del Rosario ng Naga City, sinabi nito na dapat isa lamang ang pasahero ng bawat padyak at tricycle habang dalawa naman ang pinapayagan sa e-trike.
Ayon pa dito, ang magiging pamasahe na sa padyak ay P10.00 habang sa tricycle at e-trike naman ay P20.00.
Ngunit nilinaw naman nito na subject pa rin ang mga sasakyan na magpatupad ng discount sa mga estudyante, PWD’s at senior citizens.
Dagdag pa nito na epektibo na ang pagbabago ng pamasahe simula ngayong araw.
Aniya, ang naturang ordinansa ay magtatagal hanggang nagpapatuloy ang GCQ.
Ayon sa kaniya, hindi naman lahat ng naturang sasakyan ay lalabas para magpasada dahil magpapatupad pa rin ng number coding sa pagbyahe.
Samantala, pakiusap naman nito sa mga operators na agad na i-disinfect ang mga sasakyan.
Panawagan pa nito na sumunod lamang sa mga ipinapatupad na ordinansa ng pamahalaang national at pamahalaang lokal upang makaiwas sa pagkalat pa ng COVID-19.