NAGA CITY – Labis ang naging pagkabigla ng mga residente ng madiskubre ang isang Stalactite Crystal Cave sa ginagawang kalsada sa Barangay Caorasan, Bula, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Johnvic Abinal, barangay kagawad at Committee on Education at uploader ng video, dito na ito ipinanganak at lumaki ngunit hindi nila alam na mayroon palang nakatagong kweba sa kanilang lugar.
Dahil sa pagkakadiskubre sa nasabing kweba hindi naman napigilan ng iba na makaramdam ng takot habang ang iba naman ay natuwa pa dahil posible itong makatulong upang mas mapalago ang kanilang turismo.
Makikita sa video na puno ang kweba ng mga stalactites, ngunit sa kasalukayan ay pansamantala itong isinarado sa publiko upang bigyan daan ang isinasagawang pag-aaral ng Department of Environment and Natural Resources-Iriga at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office-Buhi dito.
Ito’y upang malaman kung ligtas ba itong puntahan ng mga tao at maiwasan ang anuman na aksidente.
Samantala, agad namang ipinag-utos ni Congressman Migz Villafuerte ang pagpapasarado sa lugar at pagkakaroon ng bantay dito upang maiwasan ang pagpasok ng mga hindi otorisadong tao habang isinasagawa ang mga pag-aaral dito.
Tinataya naman na mayroong lalim na 12 meters ang nasabing kweba at sa kasamaang palad umano ay medyo na damaged na ang bungad nito matapos na matamaan ng backhoe.
Sa ngayon, naghihintay pa umano sila ng update hinggil sa naging pag-aaral ng mga eksperto dito upang masiguro na magiging ligtas ito sa mga tao na gustong makapasok at makabisita sa nasabing kweba.