NAGA CITY – Mariing tinututulan ng grupong Bayan Bicol ang Balikatan Exercises na isinasagawa sa lalawigan ng Albay sa pamamagitan ng humanitarian mission.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga, kay Jen Nagrampa, chairperson ng Bayan Bicol, sinabi nito na tatagal ang aktibidad hanggang Agosto 14.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan hindi lamang ng US Navy, kundi maging ng mga mula sa UK, South Korea, at Australia kasama ang mga miyembro ng Philippine Navy.
Ang nasabing Balikatan Exercise ay pagpapatuloy din ng Balikatan exercise na isinagawa sa La Union sa pamamagitan rin ng humanitarian missions.
Isinasagawa ito sa pamamagitan ng pagtatayo o pagsasaayos ng mga gusali ng paaralan, medical mission, at iba pang aktibidad.
Sa kabilang banda, ang mga naturang programa at aktibidad ay mahigpit na tinututulan ng Bayan Bicol dahil naniniwala sila na ang Balikatan exercises ay direktang nakakaapekto sa isyu ng soberanya at kapayapaan sa bansa.
Dagdag pa ni Nagrampa, sa pagkakaroon ng mga ganitong aktibidad, pinapainit lamang nito ang tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas lalo pa’t matagal nang may silent war ang US at China.
Kaya naman, nanawagan din sila sa Pilipinas na iwasang masangkot dito upang maiwasang lumaki pa ang agawan ng teritoryo sa pagitan ng bansa at China na pinangangambahang umabot sa hidwaan o digmaan na matagal nang iniiwasan.