NAGA CITY- Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang 4 iba pa matapos tumaob ang bangka na kanilang sinasakyan sa Mauban, Quezon.
Kinilala ang nasawi na si Alyas Jeric, 23, habang ang mga sugatan ay sinda Alyas Will, 28-anyos, Alyas Angel, 26-anyos at ang kambal na isang taon at limang buwan, lahat ng residente ng Brgy Silangang Palale, Tayabas City.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na noong Marso 29, dakong alas-4 ng hapon, habang binabaybay ng isang motorized na banca ang karagatan mula Brgy Sto Niño patungong Brgy Sta Lucia, ng nasabing bayan, nang ito ay biglang hinampas ng malalakas na alon at ulan na nagresulta sa pagtaob nito.
Dahil dito, agad na nailigtas nina Alyas Will at Alyas Angel ang kanilang kambal na anak at mabilis na lumangoy sa mababaw na bahagi ngunit si Alias Jeric, hinampas ng malalakas na alon at dinala sa malalim na bahagi ng dagat.
Samantala, agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Coast Guard at Bantay Dagat at nagsagawa ng search and rescue operation kung saan narekober ang bangkay ni alyas Jeric na palutang-lutang bandang alas-12:00 ng umaga kahapon, Marso 30, 2025.
Dinala rin sa ospital ang mga biktima ngunit idineklara patay ng doktor si alays Jeric dahil sa pagkalunod.
Samantalang ang kambal ay kasalukuyang nananatili sa ospital para sa karagdagang tulong medikal.