NAGA CITY -Narekober na ang bangkay ng 7-anyos na bata na inanod ng tubig-baha sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Ramon sa Libmanan, Camarines Sur.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Libmanan Camarines Sur, napag alaman na nakuha ang nasabing bangkay sa Sitio San Cirilo Brgy. Cambalidio, Libmanan sa tulong ng pinag-isang pwersa ng MDRRMO, Philippine Army, at Brgy. Council ng nasabing lugar.
Una rito, sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rowel Tormes, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Libmanan, sinabi nitong nangunguha lamang ng bunga ng niyog na inaanod sa ilog ang 7-anyos na batang lalaki kasama ang kapatid nito sa gitna ng sama ng panahon kahapon.
Ngunit aksidente umanong nahulog ang dalawa sa ilog ngunit agad ding nakalangoy pabalik sa gilid ang nakatatandang kapatid ng biktima habang tuluyan nang inanod ang
7-anyos.
Sa ngayon bagamat kalmado na ang kalagayan ng panahon sa lalawigan, nagpapatuloy parin ang monitoring ng mga otoridad sa mga landslide at flood prone areas.