NAGA CITY- Natagpuan ang isang hindi pa nakikilala at nakagapos na bangkay sa madamong bahagi ng Barangay San Isidro, Candelaria, Quezon.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakatanggap ng tawag ang Candelaria Municipal Police Station mula kay Barangay Captain Ailine Panganiban patungkol sa nasabing bangkay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, isa umanong barangay tanod ang nakakita sa biktima na kung saan nakasuot ito ng itim na t-shirt at short, tinatayang nasa 30-40 ang edad at mayroon ring tattoo sa kanang kamay at kanang braso.
Kaugnay nito, narekober din sa lugar ang isang kalibre ng baril.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa pagkasawi ng biktima gayundin ang pagkakakilanlan nito.
Nanawagan naman ang mga Candelaria Municipal Police Station na kaagad na ipaalam sa kanilang opisina kung sakaling mayroong impormasyon sa nasabing insidente para sa agarang ikakaresolba ng kaso.
Pinayuhan pa ng mga kapulisan ang publiko na iwasang maglakad sa madidilim na lugar lalo na kung walang kasama at alanganin na oras. Hanggat maaari siguraduhin na mayroong kasama upang maiwasan rin na magkaroon ng pagkakataon ang mga masasamang loob na gawin ang kanilang binabalak.