NAGA CITY- Patay na at naagnas na ng matagpuan ang katawan ng isang construction worker sa Brgy Sampaloc 2, Sariaya, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Roberto Patalla Ladea, 67-anyos, residente ng Navarro St.,Maligaya, Novaliches, Caloocan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na natagpuan na lang ng isang Renato Decembrana Gliane ang katawan ng kapwa nito contruction worker sa loob ng isang kwarto sa Multipurpose building sa nasabing lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na bandang alas-7:30 ng umaga ng katokin ang kwato ng biktima subalit hindi ito sumagot. Dahil dito, sumilip sa bintana ng kwarto si Gliane kung saan dito na nito nakita ang wala ng buhay at naagnas ng katawan ng biktima na agad naman inireport sa barangay.
Napag-alaman pa na nakasaksak pa at gumagana pa ang electric fan sa kwarto, ang rice cooker na mayroon pang kanin at ang cellphone nito na naka-plug pa, habnag ang mga kagamitan sa loob ng kwarto ay wala naman nabago at nawala isang indikasyon na wala aniyang nangyaring foul play sa insidente.
Ayon sa mga witnesses, huling nakita na buhay si Ladea na naghahandang magsain bandang alas-6:30 ng umaga noong Hunyo 17, 2023 pagkadating pa lang nito mula sa Nasugbo, Batangas.
Ayon naman sa mga kapatid ng biktima, na dahil sa edad nito, dinaramdam na nito ang sakit na hypertension at sa kabila ng pagpapaalala nila sa biktima na inumin at magkaroon na ng maintenance na gamot ay tumangi ito.
Sa ngayon, isinailalim na sa post mortem examination si Ladea para malaman ang totoong rason ng kaniyang kamatayan.