Nagbabala ang Department of Agriculture na maaaring bumagsak ng 20 hanggang 50 porsyento ang produksyon ng bigas sa bansa kung hindi agad matutugunan ang tumataas na presyo ng pataba dulot ng pandaigdigang krisis.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pataba na dulot ng digmaan sa Gitnang Silangan ay nagdudulot ng malaking hamon sa mga magsasaka, na maaaring makaapekto sa pagtatanim sa mga susunod na buwan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, sinabi ni Agriculture Undersecretary Asis Perez na nanganganib ang mga pananim na itatanim sa Mayo at Hunyo dahil sa kakulangan ng abot-kayang farm inputs, kaya kinakailangan ang agarang suporta mula sa pamahalaan.
Sa pagtataya ng DA, maaaring mawalan ang bansa ng hanggang 2 milyong metric tons ng bigas o katumbas ng 20 porsyento ng produksyon. Sa pinakamasamang sitwasyon, maaari itong umabot sa 50 porsyento, na itinuturing na seryosong banta sa food security.
Hinikayat naman ni Senador Francis Pangilinan ang gobyerno at pribadong sektor na maghanda sa posibleng “food shock,” na dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na may direktang epekto sa agrikultura at pangingisda.
Ipinaliwanag niya na ang posibleng pagsasara ng Strait of Hormuz ay makaaapekto sa suplay ng pataba, dahil malaking bahagi ng urea at ammonia—mga pangunahing sangkap nito—ay dumadaan sa nasabing ruta.
Iginiit ni Pangilinan na mahalaga ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor upang malampasan ang krisis, kabilang ang paglahok ng pribadong sektor sa Crisis Committee for Food Security.
Dagdag pa niya, hindi sapat ang inilaan na P10 bilyong tulong-pinansyal dahil limitado lamang ang makikinabang dito kumpara sa kabuuang bilang ng mga apektadong magsasaka at mangingisda sa bansa.
Samantala, umaasa ang kalihim ng DA na mailalabas na ang kautusan para sa P50 kada kilo na price cap sa imported rice bago matapos ang buwan.














