Pinaigting ang kampanya kontra HIV at maagang pagbubuntis sa Barangay Caroyroyan, Pili Camarines Sur.

Sa panayamng Bombo Radyo Naga kay Jerry Canave Barangay Captain, Caroyroyan, Pili, Camarines Sur, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng tamang edukasyon hinggil sa HIV at iba pang isyung pangkalusugan. Ayon kay Canave, mahigpit na ipinagbabawal ang paglalantad ng HIV status ng isang tao alinsunod sa Data Privacy Act, at dapat itong talakayin sa pamamagitan ng mga seminar at simposyum na inisponsoran ng Department of Health at iba pang ahensya.

Ipinaliwanag nito na ang HIV ay isang communicable disease na nangangailangan ng tamang kaalaman at boluntaryong pagpapasuri. Kasabay nito, binigyang-pansin din ang kakulangan ng kontraseptibo sa barangay na nakakaapekto sa programang family planning. Ayon sa kanila, ang sobrang populasyon ay isa sa mga ugat ng kahirapan na dapat tugunan ng pamahalaan.

Dagdag pa rito, regular na nagsasagawa ang barangay ng mga seminar hinggil sa early pregnancy, juvenile delinquency, at violence against women and children (VAWC). Sa tulong ng DSWD at iba pang sektor, layunin ng mga programang ito na magbigay ng tamang impormasyon sa kabataan at magulang upang maiwasan ang mga paglabag at mapangalagaan ang kapakanan ng pamilya.

Advertisement

Nanawagan ang pamunuan ng barangay sa mga kabataan na maging maingat at sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak.

Advertisement