NAGA CITY – Sugatan ang isang Barangay Tanod matapos na pagtatagain ng isang nag-aamok na lalaki sa Zone 5, Perpetual Help, Iriga City.

Kinilala ang biktima na si Winifredo Ampongan, 58-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na sinasaway ng biktima ang suspek na si Margarito Casyao Jr. Along, 29-anyos dahil armado umano ito nang bolo at may dala pang gasolina.

Maliban dito, nagbanta pa umano ang suspek na susunugin ang Barangay Hall sa nasabing lugar.

Ngunit sa halip na kumalma, inatake ni Along si Ampongan at ilang beses na pinagtataga.

Maswerte namang nakatakas ang biktima mula sa suspek, sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad an suspek para sa karampatang disposisyon.