NAGA CITY – Patay ang isang barangay tanod matapos na malunod sa Goa, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki Engr. Hally Jane Miranda, ang Local Disaster Risk Reduction Officer III sa nasabing bayan, kinilala ang biktima na si Gina Barde, 51-anyos, residente ng Zone 1 Bridge ng Sitio Laki-laki, Brgy. Scout Fuentebella sa nasabing lugar.
Aniya, nakatanggap na lamang ng tawag ang kanilang opisina na mayroong humihingi ng tulong para sa search and retrieval operation kaugnay ng nangyaring drowning incident sa lugar.
Kaugnay nito, bago umano nangyari ang insidente inihatid pa ng biktima ang anak nito na isang grade III student sa kanilang bahay mula sa paaralan, kung saan pagdaan ng mga ito sa nasabing tulay hanggang tuhod pa lamang ang lebel ng tubig at kinaya pa na tawirin ng mag-ina.
Sa pagbalik ng biktima upang mag-duty sa paaralan bilang isang barangay tanod mas mataas na ang lebel ng tubig sa nasabing tulay ngunit sinubukan pa rin umano itong languyin ni Barde at dito na ito natangay ng malakas na agos ng tubig.
Agad naman na umaksiyon ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction Team katulong ang mga barangay tanod ng lugar maging ang mga kamag-anak ng biktima upang magsagawa ng search and retrieval operation.
Samantala, mismong ang kapatid ni Barde ang nakakita sa katawan ng biktima dalawang kilometro ang layo mula sa pinangyarihan ng insidente.
Sa ngayon, dahil sa pangyayari muling nagpaalala ang mga opisyal sa lahat na maging maingat at sumunod sa mga panuntunan na ipinapatupad upang maiwasan ang ganitong klase ng insidente.