NAGA CITY – Muling nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Bicol dahil pa rin sa lason na dala ng mga dikya o ang nakamamatay na box jellyfish.
Ito’y kasunod ng pagkamatay ng 7-anyos na batang babae sa Barangay Sinuknipan 2, Del Gallego, Camarines Sur at ang pagkasugat naman ng dalawang iba pa matapos mabiktima ng salabay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nonie Enolva, tagapagsalita ng BFAR-Bicol, sinabi nito na habang naliligo sa dagat ang biktima kasama ang pinasan nito at ang tiyuhin na si Jovanie Loterte nang atakihin umano ng nasabing dikya.
Dahil dito, nagtamo ng mga sugat ang naturang menor de edad gayundin ang tiyuhin at pinsan nito.
Ngunit sa kasamaang palad, hindi kinaya ng 7-anyos na bata ang epekto ng salabay na nagresulta sa pagkamatay nito.
Kung maalala, halos isang buwan pa lamang ang nakararaan ng bawian din ng buhay ang isang 5-anyos na batang babae dahil din sa box jelly fish sa North Coastal Lagonoy Sa nasabing lalawigan.
Sa ngayon, panawagan na lamang ni Enolva sa mga beach goers na magsuot ng rash guard o jeggings kung maliligo sa dagat para maiwasang maulit pa ang nasabing insidente.