NAGA CITY – Nagpapatuloy ang isinasagawang monitoring ng BFAR-Bicol na sa nangyaring oil spill sa Bataan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Wheng Briones, tagapagsalita ng BFAR-Bicol, sinabi nito na patuloy ang kanilang mahigpit na monitoring at isinasagawang fish sampling sa Rehiyon 3 at NCR upang matiyak na ligtas na kainin ng mga tao ang mga nahuhuling isda.
Siniguro naman ng opisyal na hindi na makakarating sa ibang lugar ang tumagas na langis mula sa MT Terra Nova dahil na-contain na ang mga apektadong lugar.
Samantala, para naman sa naitalang fish kill sa Buhi, Camarines Sur, umabot sa P17.1-M ang pinsala nito tinatayang nasa 115 na mga fish cage operator ang naapektuhan habang nasa 454 tonelada ang napinsala dahil sa insidente.
Nauna nang sinabi ng ahensya na ang fish kill ay sanhi ng malakas na pag-ulan, hangin at bagyo na nagresulta sa mga pagbabago sa temperatura sa ilalim ng dagat.
Bukod dito, nagsasagawa na rin ang BFAR-Bicol ng mga hakbang upang matulungan ang mga apektadong fish cage operator.
Samantala, patuloy silang nagbibigay ng interbensyon sa mga mangingisda at kasalukuyang nag-aalok ng fishery scholarship program para sa mga kabataan, kung saan isang buwanang allowance na P5-K, book allowance na P2-K at iba pang tulong ang ibibigay sa mga mapipili.
Sa kasalukuyan, bukas pa rin ang kanilang paghahanap at patuloy nilang hinihikayat ang mga mag-aaral na isumite ang kanilang mga dokumento upang maberipika sakaling pasok sila sa kanilang mga kwalipikasyon.